Tumgik
#tagalogtula
wmab · 4 years
Text
ANG DEPINISYON NG MAHALAGA
Hindi ba't kapag sinabing mahalaga, ang ibig-sabihin ay hindi kayang mawala? Parang almusal sa umaga. Pwede mong balewalain pero kapag nasa daan ka na at nanginginig na sa gutom ay maaalala mo. "Ah! Dapat kumain ako." Mahalaga. Na kapag abala ka nang masyado sa mundo ay ipaaalala sa'yo ng kumakalam mong sikmura na dapat, kanina, bago pumasok ay kumain ka. Kasi mahalaga. 'Pag sinabing mahalaga hindi pupwedeng mawala.
Kapag sinabing mahalaga, 'di ba dapat ay pinagpapaguran? Sa gabi-gabi mong pagsusunog ng manipis at napapanot mong kilay at sa araw-araw mong pagpipinta sa panyo ng pagod, hindi ba dapat ka lang na suklian? Maiisip mong sa isang araw, "ah! sahod na naman", o "Ah! shet kaya ko pa ba pang makipagpaligsahan sa nagmamadaling mga yapak ng tao sa bawat bungantulog nilang gustong matupad?" Kaya mo, kasi mahalaga. Kung tutol na ang mga kilay mong kunot na sa kakatulak sayong lumaban ay liligaligin ka ng dibdib mo na magpatuloy. Hindi dahil kaya mong palagi, pero kasi mahalaga. Kapag mahalaga, hindi dapat sinusukuan.
Parang kasing halaga ng mga lalagyang plastik ng nanay mo na gabi-gabi n'yang iniimbentaryo, at 'pag may nawawala ay ayos lang na mawala ka na rin sa pamilya dahil mas mahalaga 'yung lalagyan n'yang plastik na may takip na blue, yung may palantandaang gasgas sa may gilid, tapos sa may ilalim nakasulat yung apelyido n'yo. Sabi na, nawawala. Wala sa estante n'ya ng mga mahahalagang bagay ang lalagyang plastik na ginawa mong baunan kanina. Tanda n'ya. May tanda. Tanda mo na! Nakakawala ka pa rin ng mga bagay na mahalaga? Na parang wala lang sa'yo kung saang lugar mo sila huling nakita. Hindi ka nag-aalala kung mamaya ay baka may iba nang nakakuha. Hindi ba't kapag mahalaga ay hindi basta-bastang binibitawan o isinasantabi? Na parang kaya mo pang humanap ng katulad, o ng kamukha, o ng kaboses ko. Kapag mahalaga hindi ba ay dapat na inaalala? Naalala mo na ba kung saan mo ako huling nakita? O iniwanan?
Hindi ba't kapag sinabing mahalaga, hindi nakakaligtaan? Na parang paghinga na kahit sa pagtulog mo ay ipinapanalangin mong manatili pa rin, para bukas ay makabangon ka pa. Kahit na abala ka. May problema man o masaya, hindi mo nakakalimutan ang huminga. Kasi mahalaga. At kapag mahalaga, ang ibig-sabihin ay hindi ka papayag na mawala. Nagkaron tuloy ako ng takot na baka patay ka na. Ang huli mo kasing sinabi sa akin ay ako ang dahilan mo ng paghinga. At matagal mo na akong isinasantabi. Isinulat ko 'tong tulang 'to dahil gusto kong malaman kung humihinga ka pa rin ba o kung kinakaya mo nang wala ako. Dahil katulad ng paghinga, minsan rin akong naging mahalaga sa'yo. Hindi ba't kapag sinabing mahalaga ang ibig sabihin ay ayaw mawala?
Na parang telepono mong buhay naman pala. Hindi ka lang sumasagot. Nasagot na ang mga tanong ko. Hindi mo sinabi sa aking may mas mahalaga kang dapat na gawin, at dapat...
DAPAT.
Dapat ay nakita ko agad na kasing halaga ako ng mga almusal na nalilimutan mo t'wing umaga,
o ng mga lalagyang plastik ng nanay mo na nawawala,
o ng paghinga.
Dapat ako mismo ang nakakita sa sarili kong halaga.
Para hindi ko na palaging itatanong sa'yo
na "hindi ba, kapag mahal
ang ibig sabihin ay mahalaga?"
.
.
.
.
.
.
-Wag Mo Akong Bitawan
13 notes · View notes
Quote
Wasak ang puso ni Nasty Mak-ata pag-asa, wala na luha, baha na sugatan nagnaknak may nana nalunod sa 'sang basong tubig nasawi sa pag-ibig nadulas sa balat ng banana. Kuwento nating dalawa'y nakatha na. Ngayon ay sugatan na-samurai, na-katana.
—Tagpi-tagping Tugma
1 note · View note
xjxaxi · 6 years
Text
Pusong Bato
Naglalakbay ang mga salitang namumutawi sa bibig ko.
Pero ito ako ngayon sinusulat para mailabas ang saloobin ko.
Tila ba nagbagong bigla ang pananaw.
Tila ginising ng sumisilip na liwanag mula sa kwadernong silid
Na dumadampi sa kayumangging kulay ko.
Bumubulong at sinasabing sa kabila ng dilim na bumabalot sa gabi.
Hindi pa huli ang lahat.
NA SA BAWAT DILIM MAY LIWANAG NA DARATING.
Mula sa pagpatak ng luha na dumadaloy papunta sa puting unan.
At ang telepono na nagsisilbing ilaw ko.
Mga salitang naiisip at naisusulat ko.
Isa lang ang hiling ko, hindi na ito iaalay sayo.
Nakakabinging katahimikan.
Ikot lamang ng bentilador ang nadidinig ko.
Sabay sulat ko sa mga katagang ito.
Nagtatalo ang utak at puso ko.
Saan na nga ba ako ngayon?
Bakit parang hindi ko magawang ihakbang ang mga paa ko.
O dahil nakatali pa din ito kung saan ako iniwan ng nakaraan ko.
Dug dug dug dug
Sabi ng puso ko.
Na akala ko tumigil na to nung mawala ang mundo ko.
Pero sa panahong tumigil to, binuksan naman ang isip ko.
Na ngayon tila ba masaya na ako.
Pero sa likod ng mga letrang M A S A Y A
Namumutawi ang salitang PATAWAD
Nagsimula ulit akong tanungin ang sarili ko
Napatawad ko na nga ba sila o maging ang sarili ko?
Susundan ng mga sagot mula sa mga kaibigan ko.
“Tigil mo na”
“Tama na”
“Hindi ka ba napapagod”
“Sayang oras mo”
At simula noon, nagkaroon ng mga pader sa bawat galaw ko
Ni hindi na mabuwag buwag ngayon
At sa mga oras na to, hindi man ako ang noon na nakilala niyo
Alam ko sa sarili ko na natapos ko na takbuhin ang bagay na kailan man hindi ko na gugustuhing balikan
Dahil sa pagitan ng mga salitang TAPOS NA, nanaig ang UTAK sa PUSO ko
0 notes
gorgeousjourney · 2 years
Photo
Tumblr media
Oo nga naman, Aldred. Bakit nga ba? #quote #stories #qotd #quoteoftheday #wordporn #quotestagram #wordswag #life #wordsofwisdom #inspirationalquotes #inspiration #writeaway #love #thoughts #poetry #instawriters #writersofinstagram #writersofig #writersofindia #igwriters #igwritersclub #wattpad #lovequotes #tula #tagalogtula #mahal #hugot #emotion #friendship #watty https://www.wattpad.com/1213471848?utm_source=ios&utm_medium=link&utm_content=share_reading&wp_page=reading_part_end&wp_uname=gorgeousjourney&wp_originator=2%2FM3bFYeW8D3S5dcOe8EMv0qcgho60yx6m7wdxWcOkti2qdBi550E3mDuPEU6x8Y6S1NTjnZngFhioiaOajUDo8cl1kQ%2FJTF3r3tO8cgojxakDrEJp1wNcv7Pg2kApq%2B https://www.instagram.com/p/CcRheOVPaI-/?igshid=NGJjMDIxMWI=
0 notes
wmab · 4 years
Text
KABALINTUNAAN
Nang sa wakas ay inilatag ng bibig ang 'sandaang tagong kasinungalingan, para hindi matitigan, ay tinakpan lamang ito ng pagmamahal.
Nang walaing halaga ng kamangmangan ang umaasang pinangakuan, para hindi pagsawaan, ay tinakpan lamang ito ng pagmamahal.
Nang baliktarin ng mapagpanggap ang katotohanan, para lang mapatawad, ay tinakpan lamang ito ng pagmamahal.
Tignan mo, kung paanong nagiging matuwid ang kasalanan kapag tinakpan na ng pagmamahal.
Kabalintunaan lang na kung ano pa ang napinsala, ay s'ya pa mismong lunas sa mga diperensya.
.
.
.
.
-Wag Mo Akong Bitawan
7 notes · View notes
wmab · 4 years
Text
HULING LABAN
Para tayong mga matatapang na sundalo ng pag-ibig noong huling sinabi nating kaya natin.
Walang pakialam sa maririnig
walang pakialam sa makikita
Na para bang kayang-kaya nating ipanalo dahil magkasalo tayo sa iisang baril at bala.
Nalimutan nating mahirap nga palang manalo kung walang sapat na armas sa giyera.
Nakabibingi pala ang pagtatakip ng mga tainga,
Mahirap palang sa gitna ng laban ay magpikit ng mga mata.
Talo na naman tayo sa labang akala natin ay kaya nating isalba.
Kung alam mo lang kung gaano ko gustong ikaw na ang maging umaga at gabi ko.
Ang maging unan na pagsusumbungan ng bugbog kong mga braso.
Ang maginhawang kama na kanlungan kung paligiran man ng mga di nakikitang kalaban.
Ang gigising sa akin kapag nilalamon na ng kadiliman.
Kung alam mo lang kung gaano ko nais na sa bawat laban ay ikaw ang maging awit ko,
Ang palaging magpapa-alalang kailangan kong lumaban kapag gusto ko nang sumuko.
Ang magiging kumportableng panlamig kapag nakakasugat na ang ginaw ng gabi.
Ang magwawagayway sa aking mga panalo,
O ang sasama sa aking gumapang tuwing uuwi akong gapi.
Sana ay naging mas magiting pa tayo
Sana ay hindi ka nagpatalo
Sana ay hindi kita isinuko
Pero mas hinihiling kong sana ay kaya pa kitang ilaban,
'di sana ay mas nakaya mo rin sigurong maging matapang.
Kung alam mo lang kung gaano ko kagustong ikaw na ang maging kublihan.
Kung naging mas malakas lang siguro tayo,
marahil di tayo natalo sa pinakahuli nating laban.
-Wag Mo Akong Bitawan (WMAB)
Spoken version available on Spotify:
https://open.spotify.com/episode/6i9WiShYd7NXaGoqQnubL9?si=uWP45snlS6KIbiHn8DGdJQ
10 notes · View notes
wmab · 4 years
Text
TANGHALAN NG MGA PANGAKO
Oras na.
Narinig ko na ang hudyat. Malakas na ang 'yong buntong hininga.
Oras na.
Hawak mo na ang kamay ko at hawak ko naman ang dalawang patong na panyo. Bukas na ang ilaw sa tanghalan ng mga pangako. Pwede ka nang magsimula. Handa na akong mabigo.
Unang tagpo sa ika-unang yugto: (Act 1. Scene 1)
Magbubukas ang entablado sa kwarto mo at sa kwarto mo ay tila inaantok akong nakikinig sa'yong monologo. Sa monologo mo na ang tanging konteksto ay ang patawarin na ulit sana kita pero masyado nang pamilyar ang talim ng mga siphayong hindi ko naman hiningi sa'yo—hindi na yata kaya ng "patawad" na maigupo ako. Pero kailangan nating magkaintindihan kundi ay guguho tayo, at pag gumuho tayo ay hindi ko na kayang muling maniwala. Sa ating dalawa, ang kahulugan ng muling maniwala ay ang muli ring pakinggan ang mga monologo mong gasgas na't luma.
Pangalawang tagpo sa ika-unang yugto: (Act 1. Scene 2)
Sasabihin mo ang mga dagdag na estropa. Saglit akong maniniwala pero tila sasalain pa rin ang mga bagong salita mula sa mga luma. Makakarinig ako ng mas matalas na taludtod sa bagong hanay ng mga salita. Sinabi mo sa aking "sapat na ang pagmamahal para magpawalang bisa sa mga pangungusap". Nalimutan mo na ang mga pangungusap ang s'ya na lang humahawak sa'ting mahigpit para di tayo mabasag.
Gusto na kitang iwan. Ang ibig kong sabihin ay magkaintidihan na sana tayo, at kung di na kaya ay wag na natin ipagpilitan. Ang ibig kong sabihin ay paulit-ulit pa nating subukan. Tinandaan ko ang sinabi mo sa akin na "hindi mahalaga ang salita dahil mahal mo ako at mahal kita", at kinalimutan mo naman na salita ang bumubuhay sa akin, at ang kawalan nito—para sa atin—ay katapusan.
Pangatlong tagpo sa ika-unang yugto: (Act 1. Scene 3)
Isinantabi ko ang para sa atin para sa'yo. Humihiyaw ako para ipaalalang mag-uusap tayo. Nakikita ko nang nasa bingit ka na at ako. Pinagpipilitan mo pa ring "mahal, sapat na ang pagmamahal para magkaintindihan tayo." Ayoko na sa'yong mga palabas. Tila nakikinig ako sa mapagdarayang nagsasalitang matatas na parang ligtas pa ang maglaro kami sa bitak-bitak nang tiwala. Sa ilang ulit ko nang pagpapa-alala ay "wag kang mag-alala" lang ang sagot mo. Nang balak ko nang tumayo't umalis sa tanghalan mo ng mga pangako ay tsaka mo pipigain ang mga ngiti kong matagal mo nang hinahanap? Sinabi ko na sa'yong kailangan natin ang mag-usap pero mas gusto mong magbigkas na lang ng monologo mo pag naramdaman mong matatapos na ang lahat.
'Pag tatayo na ako mula sa aking upuan, mangungunyapit ka sa akin na parang ako ang ang nagkulang ng pagtitiwala at pagbibigay ng tsansa. Tsaka mo lang ako ilalaban kapag inaayawan ko na ang mga patay mong monologo sa luma at gasgas mong tanghalan.
Babayaran kita ng palakpak. Hihiyaw ako para sa'yo hanggang sa ang yugtong ito ay magwakas. Basta't pagkatapos mo ay pakakawalan mo ako sa munti mong palabas. Hahayaan mo akong lumabas pag nagbaba na ng mga kurtina.
Bumaba na ang mga kurtina mo. Para di na umulit ay ilang daang pagtatanghal lang pala ang kailangan ko. Masyado nang mapurol ang mga linya mong nagamit. Ilang beses na akong naglabas-pasok sa tanghalan mo ng mga pangako, at saulo ko na sila. Tanda ko na kung saan ka hihinga at kung kailan hihinto. Tulad ng dati. Iisang konteksto lang ang maririnig sa tanghalan mo ng mga pangako "Pakiusap", "Patawad".
Tatayo na ako. Kaya muling hinigpitan mo ang hawak sa mga kamay ko. Hindi na bago para sa akin ang lumabas ng umiiyak mula sa'yong kwarto, pero ngayon mo lang ipinakilala ang mga luha mo. Hindi sila kasama sa mga luma mong monologo. Hindi mo pa sila naikukwento sa mga lamat natin, sa mga paniniwala ko. At muli akong nagpasyang umupo, sa upuan ng tanghalan mo ng mga pangako. Nalimutan kong salita pa rin ang monologo mong luma. Pinaghirapan mo nga rin pala silang hugutin—Sa nakaraan natin, para bumuhay sa atin—Sa huli, inulit mo ang luma mong monologo: "mahal, sapat na ang mahal kita at mahal mo ako".
At sa pagbaba mo mula sa entablado ay hinihintay ka ng mga tagahanga mo ngunit hahanapin mo ang pinag-alayan mo ng lahat ng mga salita. Sa maraming nagtutulakang mga hinuha ay sasalubungin kita ng paniniwala at magtitiwalang muli, kahit pa sa monologo mo ay magtagumpay o mabigo kang walang saksi.
Tumayo mang palagi sa kalagitnaan ng mga pagtanggi—maniwala kang parati—sa likod ng tanghalan mo ng mga pangako, andoon ako,
nananatili.
Ituloy natin ang palabas.
-Wakas-
.
.
.
.
.
-Wag Mo Akong Bitawan (WMAB)
3 notes · View notes
wmab · 5 years
Text
G A B I
Minahal ko ang gabi dahil sa iyo.
Minahal ko na ang mga saradong bintana, ang madilim at walang lamang mga daan, ang tulog na buwan.
Minahal ko na rin ang ingay ng mga kuliglig at ang nakabibinging katahimikang hatid ng lalim ng gabi.
Kahit na tulog na ang marami at nagkalat na ang mga emosyong hindi masabi sa katirikan ng araw—dahil magkikita tayo pagtakipsilim—minamahal ko na rin ang pag-alis ng liwanag sa kalangitan.
Ang pagmulat ko ng mata sa umaga, ay ang gitna ng pakikibaka. Sa hapon, ang pagtatapos ng pakikidigma.
Pero wala sa akin ang magulong laban sa umaga, o ang nakahahapong pakikibaka sa maghapon, dahil sa gabi ang ating simula.
Sa gabi, sa'yo ako makakapag-pahinga.
Magsasaya tayo sa pag-alis ng liwanag.
Masasabik sa hatinggabi na parang mga batang hindi pwedeng magpuyat.
Pupunuin natin ang limitadong oras ng mga inipong kwentong naganap sa bawat isa.
Kahit na maigsi lang ang daan na ating lalakaran, at di man sapat ang ilang oras na kwentuhan, ayos na rin dahil nagkita naman tayong dalawa.
Kaya minahal ko ang gabi, dahil doon lang tayo pwedeng magkasama.
Kahit mapag-isa man ako sa umaga.
Gaano man katagal bago maka-uwi, o gaano man kapagod sa binatas kong daan, alam kong sa'yo lang ako magtatanggal ng kalasag at magbabaluktot ng katawan.
Kahit mamayang madaling-araw ay kailangan na namang magpaalam—pero dahil magsisimula tayong muli pagsapit ng kinagabihan—ay hindi ko na iindahin ang maghapon kong pakikipaglaban.
Maski na ang paglubog ng paa sa kapaguran ay hindi sa akin pwedeng humamon, dahil sa piling mo, tuwing gabi, dun ako muling aahon.
May minsang naitatanong ko kung bakit dumating sa puntong naging gabi ang syang simula natin, pero kasi hindi tulad no'ng araw, mas may pagmamahal na ang mga tingin mo ngayon.
May paglalambing na rin ang mga halik, at buhay na ang mga salitang binibitawan mo.
Kaya kahit di ko mahanap ang kasagutan sa mga tanong, at kahit na halos igupo tayo ng kahapon, mukhang tama lang na nagkita pa rin tayo.
Dahil doon, minahal ko na ang pananahimik.
Naitatanong ko rin kung bakit minahal ko na ang gabi bilang simula,
siguro dahil na rin sa gabi tayo may kakayahang maging mahina.
Tulad ka ng gabi kaya sayo lang ako may kakayahang gumuho,
sa piling mo lang ako may kaya na lumuha at sumuko.
Kaya minahal ko na rin ang maging mahina, dahil sa'yo ko lang naipapakita ang lahat ng mga hindi ko kayang magawa.
Mahal ko ang gabi dahil sa'yo.
Dahil sa gabi lang ako pwedeng magtanggal ng tatag.
Sa gabi lang ako pwedeng maghubad ng baluti at magpakita ng mga sugat.
Lahat ng lamat, depekto, at basag, sa iyo at sa gabi ko lang nailalahad.
Ikaw ang gabi ko at simula.
ikaw ang ibig-sabihin ng panatag at payapa.
Kaya ko pala minahal ang gabi at ang lahat ng mayroon sa pagtakas ng liwanag, ay dahil mahal kita.
54 notes · View notes
wmab · 4 years
Text
KUMUNOY
Kung sana ay malakas tayo
Baka nagawa nating—kahit
hindi na muna lumaban—
kahit sana makayanang
tumayo man lang.
.
.
.
-Wag Mo Akong Bitawan (WMAB)
6 notes · View notes
wmab · 4 years
Text
Sana
Matuyo na ang nakaraan na umaagos mula sa mga mata
Lamunin na lang ng kama ang lahat ng pagsinta
Nang wala nang matira para sa mga patay gutom na kalumbayan, na kumakain ng buhây na ligaya.
Ramdamin ang bawat sakit.
Pagurin lang ang sarili kakaiyak.
Tuwing gabi, bayaan mawasak ang dibdib.
Pagkatapos ay magpunas ng luha
at pawiin ang hikbi.
Mapapagod rin ang matang magpuyat.
Magsasawa rin sa pagtangis at sa huli ay damdamin rin ang aawat.
Sumama sa kapanglawan at ilangoy lang ang puso.
Kaya naman tayo bumabagsak ay para tumayo.
Mapapagod din ang mga luha sa pagbagsak,
Makaaahon ding muli mula sa lahat.
Sana.
-Wag Mo Akong Bitawan (WMAB)
4 notes · View notes
wmab · 4 years
Text
DI NA PASISIIL
Sa totoo lang, ninanais kong
sana ay piliin ko pa rin ang
mabuhay sa piling mo.
Pero, pasensya na.
Sawa na akong
mamatay nang
dahil sa'yo.
.
.
-Wag Mo Akong Bitawan (WMAB)
5 notes · View notes
wmab · 4 years
Text
HINDI PAG-IBIG KUNG SALITA LANG ANG PAG-IBIG
Nakapangwawasak ng damdaming makabansa, kung sakaling limutin man ng magiliw na bayan ang mga nagawa.
Kung tutuusin, ay mapalad na ang minsang kanlungin ka nila sa kanilang mga bisig—ang arugain ka nila ng kanilang mga gunita.
Nakababagabag na tila kwento na lang ang umaalala sa mga taong makabayan.
Kumilos naman sila kahit walang pangalan,
ni wala ang eksaktong panahon kung mula at hanggang kailan sila kumalinga ng mga uhaw sa pag-aalaga ng bayang sinilangan.
Nakadudurog, na rito sa lupa nilang napangakuan—dito pa sa lupang hinirang,
ay mga tintang naglalaho lang ang sukli sa kanilang kabayanihan.
Hindi gaya noong dati, ni hindi sila masalîng ultimo ng kanilang mga kaaway.
Ngayon ay tila ang magtutulak pa yata sa kanila sa hukay ay ang mga pinag-alayan nila ng kamay.
Ngunit, nabubuhay sa amin kung paano silang nagbigay ng saklolo.
Buhay kaming magpapatotoo sa kanilang tahimik na pag-aalaga.
Gaya ng inang may malambot na pusong handang kumalinga,
na mas inuna pa ang kumakalam na bituka ng lupang gutom sa mga nagmamahal sa bansa.
Alam namin kung paano nilang isinasantabi ang para sa sariling sikmura.
Nananatili sa pagka alam natin,
kung paano ang kasalukuyang dapat na maging damdamin.
Na kung paanong dapat kumilala sa tahimik na kabayanihan,
ay ganoon ding umalam ng totoong kahulugan ng pagiging makabayan.
At tantuing ang dugo ng ating bawat pagkapanalo ay hindi lang mga armas at sandata,
kun'di silang mga sumusuong sa laban.
Ngunit, sa paano ba masusukat ang pagkabayani ng mga nag-aalay ng palad?
Hanggang saan ang kayang ipagsakit ng pusong kagitingan lang halos ang karga?
Kayanin pa rin ba kayâ na mag-bigay kahit hindi na gaanong mapagkanlong ang taong-bayan?
Bakit ganoon kadamot sa pagsusukli ng pagod ang mga nangangailangan?
Bakit parang ganoon na lang kahirap tumumbas sa inosenteng kabayanihan?
Bakit hindi halos katugon ng dugo't pawis nila ang kanilang nakakamtan?
Palibhasa'y may busal na pag-ibig ang kanilang pagkamakabayan.
Pipì sila basta't para sa pangkalahatan,
Talî ang kamay ng pagmamahal kaya't nililigtas ang inang-bayan,
Pero saan na napunta ang dating pagkakilanlan?
Bakit katiting lang ang balik ng pagsaklolo sa bansa?
May mukha pa ba tayong maipangsusulat sa kasaysayan
Gayong karampot na piso lang ang itutumbas natin sa kanilang kabayanihan?
Kung sa bagay,
kung paanong walang nagbigay ng buhay na sumagana sa tinatangkilik,
ay ganoon ring walang nag-alay ng dugo
na pagkatapos ay mag-aasam ng anumang balik.
Kung sana ay sasapat na sa buhày ang puro lang pag-ibig.
Kung sa bagay,
walang halaga sa bayani kung meron bang sa dugo niya ay magtutumbas ng pantay na ganti.
Para sa kaniya'y sapat na ang pagmamahal para makatupad sa tungkulin.
Naniniwalang sapat na ang pag-ibig para magpagiting sa tuhod ng matatakutin.
Pero sino na lang ngayong ang kakandong sa mga bagong bayani?
Hindi na mapagkanlong maski ang mga kababayang kumupkop sa kanila dati.
Ano na ang magiging kublihan nila habang tinatapalan ang mga galos sa sarili?
Kahit na may alab sa puso,
Maski na buháy ang apoy sa dibdib,
Totoong hindi makasasapat kung puros salita lang ang alay na pag-ibig.
Hindi magkakasya kung tula lang ang magpaparikit sa kanilang katuturan
upang sa mahabang lakaran, silang mga magigiting, ay payapang maiduyan.
.
.
.
-Wag Mo Akong Bitawan (WMAB)
4 notes · View notes
wmab · 4 years
Text
PARANG BIGONG PANGAKO
Para kang bigong pangako.
Nangliligalig ng isip
kung saan ba
nagkamali—nanunuri
kung wala bang nagawang mabuti.
Para kang bigong pangako.
Binibigkas palagi
na parang panata
ng nanay ko
sa tuwing makikitang
wala akong ginagawa.
Para kang bigong pangako
na lumalantad
kung kailan
nagdaan na ang lahat.
Parang nanunuot
na luha sa unan.
Nireserbang kutsilyo
para may maikatwiran.
Natuyong pawis
sa likuran—masakit sa dibdib.
Para kang bigong pangako.
Nalilimot kung kailan
lubhang kailangan,
Inaalala kung
may di sadyang nalimutan.
Para kang bigong pangako.
Ibinibigay nang tapos
pero hindi naidaraos,
babawiing lihim kapag
hindi na nakatingin,
lalo kung
hindi na naaalala.
Para kang bigong pangako,
nagbibigay liwanag
sa hindi
at sa karapat-dapat.
Para kang bigong pangako.
Nagbabarak na tinta
sa mga dahon
ng kwaderno.
Nangungunyapit na dahon
pagkatapos mahulog
nang hindi kumapit
nang maigi sa puno.
Para kang bigong pangako.
Lumuluha na lang
sa dismaya
imbis na kumikilos
o di man kaya ay tumatayo.
.
.
.
-Wag Mo Akong Bitawan (WMAB)
Tumblr media
3 notes · View notes
wmab · 4 years
Text
PROSA
Mula ngayon,
Maiikling tula na lang
ang isusulat ko.
Baka sakaling mas
madaling maintindihan,
kahit malayo,
baka sakaling
mas madaling
matandaan
mo.
.
.
-Wag Mo Akong Bitawan (WMAB)
3 notes · View notes
wmab · 4 years
Text
Ilang beses pa
akong kailangang
mawala sa'yo bago
mo makita ang halaga ko?
-Wag Mo Akong Bitawan (WMAB)
3 notes · View notes
wmab · 4 years
Text
UPOS
Hanggang sa sumuko
na lang ako
na sumubok,
na magpatuloy,
na umasa,
na maniwalang
magiging maayos rin ang lahat.
.
.
-Wag Mo Akong Bitawan (WMAB)
2 notes · View notes