Tumgik
dimas-inag · 6 months
Text
Disyembre 7, 2023
Matagal na rin huli kong paskil dito.
Gaya ng dati, may dahilan ang pagbabalik.
Inaatake na naman kasi ako ng mga agam-agam, guni-guni, at iba pang negatibong kaluluwa na naipon din sa mahabang panahon.
Pinipilit akong hilahin pababa mula sa mga pagtatanong kung kumusta na ang mga 'di nakamit na layon?
Tila ba ipinamumukha ang bagal nang itinatakbo ko sa liwasan ng pagsubok; na palagi na lamang ba akong mahuhuli o malulunod sa mga kadahilanan ng katamaran.
Wala akong mairason kaya't nalilibing sa katahimikan at ikinikimkim ang mga nais ibulalas.
Ang hirap maghila ng sariling mga paa lalo sa mga tanaw sa malayo ay ikinapapagod na agad sa mahabang tatahakin.
May makakasalubong pa ba sa daan? May mahihintuan ba na pahingahan?
Walang makapagsabi.
Kaya sa mga pagtitiis, kalahati ang dasal ay sa ikatatagumpay ng paglalakbay habang ang nalalabi ay sa kisap-matang pagkapawi sa animo'y daang libong taong ikinapapagod.
Walang padayon. Kundi nagpapakakampon lamang sa "bahala na."
0 notes
dimas-inag · 1 year
Text
Mayo 1, 2023
Mahabang panahon din ang lumipas bago ako bahagyang sipagin sa muling pagsusulat dito. Oo, bahagya lang dahil maski magpahanggang ngayon ay nalalasing pa ako sa katamaran. Minsan kasi, pasulat na, tsaka naman dahan-dahang naglalaho ang mga salitang gusto kong malikha. Badtrip ‘di ba par? 
Siguro, masasabi kong pang-uudyok muli para maligaw sa “talaarawan” ko ay ang masidhing damdamin na hindi ko na kayang sarilinin pa. Literal na nakauumay, nakasusuya, nakasusuka, at lalong nakawawalang gana na kasi ang buong perspektiba ko sa tatahaking hinaharap. 
Maraming tagpo na yung sumunog sa mga nais kong makamit. Nahihirapan na akong manampalataya sa tila hungkag na lakad. Nananaig yung kagustuhan kong magpahinga na lamang. At... at... taena. Sa susunod na lang ulit.
0 notes
dimas-inag · 2 years
Text
Oktubre 1, 2022
Dati'y mababaw ang damdamin kaya naman hindi ito pinapansin.
Ipinagkikibit balikat kung may dahilan ba para lumalim.
Hanggang sa ang panahon na mismo ang nagsasabing tiyak na ikaw'y kapupungawan sa 'yong paglisan.
Alam ko na sa una'y sinasabing "hindi ikaw" ngunit napagtatanto mula sa malalim mong pag-unawa sa mga bulong kong 'unga' na siyang ikaw'y dinalangin kong maging giliw sa pangakong walang hanggan.
Sa panahong sinayang, ang bawat pagkuyom sa mga palad ay tila kumpol ng mga buntong hiningang walang mapaglibingan.
Sa anyo ng hirayang ikaw ang natatabihan, bangungot ang katotohanang namumutawi't umaaninag sa paparating na bukas.
Hindi ako dahil hindi kita agad na pinili.
Masakit... ngunit ito talaga ang gaba nang pagsisisi.
0 notes
dimas-inag · 2 years
Text
Hunyo 22, 2022
May kiliting hindi sa akin.
Pinipilit kong pigilan ang kilig ngunit patuloy na nabibihag ang dibdib.
Sinusubukang tumindig sa matuwid ngunit nalulumpo sa matatamis na mga titig.
Nais kong isigaw at manindigang “hindi ako at wala sa dapat na pagpipilian”
Ngunit heto sa loob-loob nga’y bumubulong at nananalanging makabalik sa nakaraan…
Sa dakong wala pang nakasisilat ng iyong pangakong pang walang hanggan.
0 notes
dimas-inag · 2 years
Text
Marso 21, 2022
May gabing nasira sa isang tinig na umalingawngaw sa harap ng dapat sana’y masiglang hapunan. Maraming saksi. At tiyak ng mga tunay na nakarinig at nakauunawa na may isang nabasag na damdamin.
0 notes
dimas-inag · 2 years
Quote
Lawakan at lawakan pa ang pang-unawa at baka hindi natin namamalayang gumagawa na tayo nang masama sa kasasamba sa akala’y mabuti.
0 notes
dimas-inag · 3 years
Text
Nobiyembre 21, 2021
Bagot
Ang utak - sa malayo nag-iikot
Nag-aabang kung may kakatok
Ngunit walang lumalagok
Sa isang mangkok
Kung saan sa isang dako napulot
Kasama nang walang lilim na salakot
Kaya dinapuan ng antok
Ang matang dugyot
Na nakatanaw sa look 
Nabilot sa sapot
Ng gagambang tulog
Na ‘di mabusog
Sa naipong mga hamog
Na kung maaalog
Mawawalan ng saplot
Ang katawang lamog
Matapos ngang makuyog
Heto’t nagpapatihulog
Na gaya ng uhog
Na walang anumang hubog
Na kung masisinga sa ilog
Magmamantsang ‘di masusubok
Sa mga ‘di nakisangkot
Sa aking pagkabagot.
0 notes
dimas-inag · 3 years
Text
Setyembre 11, 2021
May misteryong naglalaro sa isipan.
Magaling sa taguan.
Mahusay sa takbuhan.
Hindi ko makita’t mahuli.
0 notes
dimas-inag · 3 years
Text
Setyembre 5, 2021
Sandamukal ang hikab na ‘di madilaan ng himbing. Tuwing umaga’y nag-aalmusal ng pag-asang “maaayos din ang lahat” ngunit maya-maya’y masusuka rin sa mapait na sandaling tinatayuan. Ang haba ng gabi. Oo at nangangawit na ang mga kalamnan sa hinihintay. Baka naman. Baka lang naman. Maalalayan mo pa nang bahagya ang nangangatog kong paniniwala sa nabanggit mong mga hiraya.
0 notes
dimas-inag · 3 years
Text
Hulyo 25, 2021
Natapos ang araw at may nadagdag na naman na taon.
Masaya, oo.
Ngunit hindi gaano.
Okay lang.
Sapat lang.
Mas pipiliin ko na ang ganito kay sa lublob sa galak.
Kahit paano, natatauhan sa makasariling hangad at nakukuntento sa ibinabato ng panahon.
Mula sa pagputok ng sinag, isa na namang bagong kapitulo ang bubunuin.
Papadyak at lulukso-luksong tuwid ang ikinakatwiran.
Hanggang sa masumpungan ang tinatangkang makabuluhang wakas.
0 notes
dimas-inag · 3 years
Text
Hulyo 24, 2021
Walang tigil sa pagtangis.
Tahan na. Pakiusap.
0 notes
dimas-inag · 3 years
Text
Hulyo 8, 2021
O siya't muli na namang sumapit ang malalim na gabi
Pumupungay na ang mga mata't natitikom na ang labi
Ang oras, maaga nga ngunit nahuhuli
May hinintay pa atang naligaw na oyayi.
0 notes
dimas-inag · 3 years
Text
Mayo 1, 2021
Minsan may kalungkutan ngang biglaan ang pagdapo. Mahirap bugawin. Mailap kapag naambahan lang ng tapik. Sa mga pangungulit sa tainga, hindi ko rin mabilang kung ilang beses nga bang nagtangkang sumulat upang maghabol sa inis. Kinubkob ako. At mahirap tanggapin na ako'y nagpakubkob; sa kabila ng mga ibinunyag na walang pagkagapi nga akong tatayo sa bantayog ng mga nauntog at natauhan.
0 notes
dimas-inag · 3 years
Text
Abril 4, 2021
‘Di na mabilang ang mga hikab ngunit wala pang dumarayong antok.
Naiiwan ang isipan sa tanghalang malawak na maya’t maya rin nabubulahaw ng mga kahol ng aso sa labas.
Nagpapaihip sa hangin para manaboy ng sanib ng alinsangan.
Pinipilit managinip ng gising upang manalbos ng mga ikakatwiran — sa pag-idlip at sa mga imumulat pa sa pagtilaok ng mga paparating.
0 notes
dimas-inag · 3 years
Text
Abril 1, 2021
Walang mga ulap ngunit malungkot.
Balot ng damdaming hindi madaig ng mga pilit na ngiti.
Ito ba ang biro ng panahon?
Walang dahilan upang humalakhak.
Walang humpay sa pamumugtong hininga.
0 notes
dimas-inag · 3 years
Text
Marso 27, 2021
Nananalig sa mga panalangin.
Umaasang darating.
Walang sawang naghihintay.
‘Di paparapo ng pagod sa paghiling.
0 notes
dimas-inag · 3 years
Text
Pebrero 25, 2021
Marami akong sinayang na pagkakataon. Pero nandito na eh. Harapin na lang. Abang na lang ulit.
Tumblr media
0 notes