Tumgik
rhyanoceros-blog1 · 6 years
Text
Heto Ako
Ayaw kong magtago. Nais kong magpakatotoo.
Hindi ako si Nathan na tila isang makinang nagkokompyut na isiniksik sa utak ng tao, na kayang suriin at paglaruan ang mga numero na para lang bang isang simpleng laro ng tumbang preso, na tila natatama sa bawat hagis ng tsinelas ang latang nariyan at akalain mong nakakaiwas.
Hindi ako si Jashan na tila isang gripong patuloy-tuloy ang agos ng kanyang mga naiisip na kanyang napupulot mula sa pinakailaliman ng kanyang mga panaginip na parang malinis na tubig na umaagos sa isang ilog na naging dahilan para kanyang kakayahan ay maging bantog.
Akala ko nga iyon na nga’y akin, eh— ang kakayahang magsalita, ngunit ipinamukha sa’kin ng buhay na hindi pa talaga ako handa para maglahad ng impormasyon dahil sa aking pagkamahinhin, na nag-uutal-utal at nawawala pa rin.
Hindi ako si Kristian na marunong humawak ng kamera upang kumuha ng mga retrato at bidyong hindi natatalo ang ganda! Paano nga ba galawin ‘tong mga botones, nakakatakot naman kasi. Kung masira ko ‘yung gadyet ay matagal na panahon ako magsisisi.
Hindi ako si Jenzzo na isang baril ang singlakas na kung mag-ispayk ng bola sa court ay kala mo’y wala nang bukas At kung matamaan ka nga ng bola, malas ka, wala ka ngang bukas! Dahil mababali ang iyong buto at iyong buong pagkatao. Charot!
Hindi ako si Ronn na kay galing gumawa ng disenyo upang iparating sa madla ang nais ipahayag ng kanyang puso sa pamamagitan ng mga grapiko, imahe, at tekstong inilagay sa espesipikong ayos upang tumatak sa lahat ng mga matang titingin at lilingon
Hindi ako si Wilfredo na sobra kong hinahangaan, Astetik, akads, at atletiks: kay rami niyang kakayahan. Halimaw na nga sa court, pinantayan pa si Nathan sa acads! Ulitin ko, baka hindi niyo narinig: NAPANTAYAN NIYA SI NATHAN SA ACADS Tapos ang kinis ng mukha niya, akalain mong hindi lumalakadz :c
Hindi ako si Miggy na matatag ang kalooban para mamuno sa mga kaedad niyang lumaki sa kapariwaraan Napakarami rin niyang kakayahan, isa siyang amang tinitingalaan Ang lahat ng nasa kanya ay kanyang mapursigidong pinaghirapan
Sino nga ba ako kung di ako sila? Ano nga ba ang kasaysayan ng pangalang Ryan Rivera? Pangarap ko lang nama’y gumawa ng impak sa mundo at sa lipunang kinabibilangan ngunit para akong nakakahon sa sarili kong pag-aalinlangan
Hindi ako si Quintin na tulad din ng isang ama Sapagkat wala kang maiisip na hindi niya kayang gawin, at nasa kanya ang damdaming tumingin sa kung ano ang maaaring matutunan at kung ano ang puwedeng aralin tulad ng acting, pagdidisensyo, at kahasaan sa musika At ang paghasa sa kanyang kalusugan at pangangatawan
Hindi ako si Melo na mayroon na ang lahat Lahat ng kakayahan, malaking ipon, at mabuting pamilyang walang halong alat Napakasuwerteng bata ang taong ito Kung maka-tres sa korte o kung maka-iskor sa net ay konsekutibo Ngunit sa dulo ng araw isa pa rin siyang taong may pakiramdam sa kapwa Hindi man halata sa umpisa
Hindi ako si Matthew na magaling magsulat na hanggang sa Pangasinan ang kanyang pangalan ay bumakat bilang isang mahusay na kawani ng eskwela sa pagiging isang manunulat
Ang dami ko namang binanggit na pangalan-- Sila’y mga taong lubos kong hinahangaan para sa kung ano man mayroon sila na lubos naman nilang pinagsikapan
Kaya narito tayo ngayon upang sagutin ang tanong. Ano nga ba ang saysay ng pangalan ko?
Ang Ryan Riverang hindi marunong maglaro! Ang Ryan Riverang plastik at di talaga totoo!
Ang Ryan Riverang nag-uutal-utal, Ang Ryan Riverang di umabot sa kumpetisyong nasyonal!
Ang Ryan Riverang tulog pag siya’y kailangan! Ang Ryan Riverang nilamon na ng pag-aalinlangan!
Ang Ryan Riverang walang ginawa sa buhay, Ang Ryan Riverang kakalimutan kapag siya’y namatay.
Binitbit ko ang papel at plumang ito dahil heto ako. Buhay ako. Lalaban ako. Hindi man positibo ang mensahe ng tulang ito sapagkat ninais ko lamang ibuhos ang lahat ng nadarama ng puso.
Mayroon akong misyon, at ito’y bigyan ng halaga ang pangalan ko.
0 notes
rhyanoceros-blog1 · 7 years
Text
Patawad sa Aking Pagiging Pala-hugot
Nakikita kong naiinis ka sa aking pagiging pala-hugot kaya patawad Patawad kung tuwing ako’y nababagot nakukuha kong asarin ka imbis na maging patnugot para ika’y makaahon na Patawad kung lahat ng salitang sinasambit ay nakukuha ko pang iayon sa iyong naranasang pagkaipit, sa iyong naranasang pagpipilit, sa isang relasyong nagwakas nang pilipit Giniba ko na ang dahilan kung bakit ninais ko ‘tong sulatan, kaya para sa aking pagiging pala-hugot nais kong  muling humingi ng kapatawaranan, At patawad dahil di ko mapapangakong titigil ‘yung mukha kong makapal sa pagsigaw ng mga bagay tulad ng di ka niya naman minahal Ngunit sigurado akong hindi na pagkabagot ang dahilan bagkus ang mga lalabas sa tulang ito’y alam kong kailangan mong malaman
Alam mo, paborito kong sabihin ang pariralang “Lahat na lang” na palaging may karugtong kapag may naririnig tayong mga bugtong at kagintuan mula sa mga miyembro ng kaguruan at kung sinuman nga naman Noong sinabihan tayo sa CL ng “Pakawalan niyo ang inyong mga kasalanan” ang narinig mo mula sa bibig kong tila binasbasan, “Lahat na lang, pinapakawalan.” At ang iyong tugon, “Pati ako, kanyang pinakawalan” sabay balik ng mga alaala ng nakaraan Noong di gumana ang Flash sa TLE, “Ay p*ta, nawala!” ang sinigaw palagi “Lahat na lang, nawawala!” tugon ng marami, sabay balik na naman ng mga alaalang nanantili, tulad lang ng dati Noong tinuruan tayo sa Math kung paano “mag-eliminate, “Kailangan nating tanggalin ‘yung isang pares ng like terms” ang binanggit, at “Lahat na lang, tinatanggal” ang tugong sambit, at muling bumabalik ng mga alaalang tila humihirit sa iyong puso’t isip na walang kalaban-laban sa mga puwersang dahilan kung bakit mo binabalikan ang mga bahagi ng buhay mong kailangan mo nang kalimutan imbis na palakihin at pahalagahan sa loob ng iyong isipan
Kaya ngayon na tayo’y nasa panahong kasalukuyan tayo’y nasa loob ng isang katotohanan kung saan hindi na siya ang karapat-dapat para sa’yo, dalaga, na naghirap at nagpumilit na umibig, na nagsayang ng laway mula sa’yong bibig upang siya’y mahalin nang todo kahit sa huli siya ay niloko hindi nga ng sinta, kundi ng pag-asa dahil ang akala ng dalagang ito ay kailanma’y wala nang magbabago kahit ang lahat ay nagbago sa kanyang harapan, hindi niya hinarap ang katotohanan
Lahat na lang ng relasyon, nagsisimula lahat na lang ng relasyon, nagiging maligaya lahat na lang ng relasyon, minsa’y gumigiba lahat na lang ng relasyon, minsa’y nawawala
Ngunit hindi ibig sabihin ng paggiba at pagkawala’y maging dahilang mawala ang saysay ng buhay mawala man ang sinta, mayroong kaibigang nag-aalala mawala man ang sinta, mayroon pa ring nagtitiwala nagtitiwalang aahon ka nagtitiwalang babangon ka mula sa iyong pagdududa Nandito lang ako, mananatili ako, at sinisigurado kong kailanman ay hindi ako lalayo
~ end ~
0 notes
rhyanoceros-blog1 · 8 years
Text
Bawat Patak ng Ulan
1Tuwing bumabagsak ang ulan mula sa makulimlim na kalangitan naaalala ko ang bawat patak ng pawis at luhang sinayang ko sa’yo dahil hindi ko inakalang ika’y bibitaw pala mula kung saan tayo nakakapit. Tuwing bumabagsak ang ulan mula sa makulimlim na kalangitan naaalala ko ang bawat ngiti at tawang ibinahagi natin sa isa’t isa akala natin magtatagal ang ligaya hindi kailanman magdurusa pero tayo’y lubos na nagkamali pagkat tuwing bumabagsak ang ulan mula sa makulimlim na kalangitan naaalala ko nang mabilis ang oras na nawala ang iyong tamis nawala ang iyong pag-ibig tuloy, naghanap ka pa ng iba kahit ako’y nandito pa.
2Kung bilangin ko ba ang bawat patak ng tubig na nahuhulog mula sa umiiyak na langit makikita mo bang pag-ibig ko’y di lamang maliit? Makikita mo bang pag-ibig ko’y di lamang pilit? Dahil ang bawat patak ng ulan ay may kanya-kanyang kahulugan maging ligaya man o tunggali kahit matagal man o sandali Sindami ng ating pinagdaanan ang nahuhulog na patak ng ulan Kinaya natin lahat ng hamon sa ating ibigan sapagkat alam natin na ang kaligayahan ang ating makukuhang kapalaran. Kaya ngayon ako’y nagtataka bakit lahat iyan iyong binaliwala. Pareho tayong nagkulang, ngunit ika’y nagtangkang bumitaw. At bumitaw ka nga, kahit nandito pa ang nais, kahit nandito pa ang pag-asang tayo’y tutuloy pa.
3Kay sarap ang tinig ng pagbagsak ng ulan dahil ang lahat ng sakit at pagod na iyong nararamdaman ay tila mabilis na nakalilimutan Bakit di mo na lang ito pinakinggan? Bakit imbis na sakit at pagod iyong kalimutan, ako pa? Bakit pa’ko nagtiis ng hirap at pagdurusa kung sa huli, ito lamang ay mababaliwala? Ngayon, kailangan kong magpakatotoo Mahal, maraming salamat sa iyo sapagkat tinuruan mo rin ang aking isip at puso na magmahal nang magmahal sinlakas ng pagbagsak ng ulan at hanggang maubos ang mga patak nito. Maraming salamat din sa iyo sapagkat tinuruan mo ang aking isip at puso na sindami rin ng patak ng ulan ang napakaraming natitirang dahilan kung bakit kailangan na kitang kalimutan. Hindi na ako maliligo sa ulang nagpapaalala lamang ng nakaraan Hindi na ako maglulublob sa baha bagkus ako’y babangon na.
4Maraming salamat, sinta dahil ika’y dumating sa aking buhay at nagdala ng pag-ibig na walang kapantay. Ngunit tulad ng malakas na ulan ika’y nawala rin nang biglaan. Kahit ikaw ang nagbigay-buhay sa aking katuyuan naging madali para sa’yo ako’y kalimutan. 5Tuwing bumabagsak ang ulan mula sa makulimlim na kalangitan naaalala ko nang mabilis ang oras na nawala ang iyong tamis nawala ang iyong pag-ibig tuloy, naghanap ka ng iba kahit ako’y nandito pa.
- end -
1 note · View note
rhyanoceros-blog1 · 8 years
Text
Pagkapit
1Sa dinami-rami ng inyong pinagdaanan wala nang tatalo sa inyong kaisahan pero nakikita kong kayo'y nanginginig na nawalan ng tiwala sa isa't isa ang dating pagkasamang masaya ngayo'y kay lamig na nga pero bakit? Bakit nga ba nag-iba? 
2Ang pag-ibig ay tulad ng  pagsakay ng dyip na puno na Kayo'y kakapit na lamang sa pag-asa na hindi kayo babagsak Kahit minsa'y di niyo kinakaya dahil sa sikat ng araw na uminit sa bakal kung saan kayo nakakapit. Pero kailangan niyo pa ring humawak sapagkat mas masakit bumitaw at bumagsak Kahit masakit na, kahit kayo'y magdurugo na walang titibag. Walang susuko. Walang bibitaw. 
3Hindi man parehas ang iyong mahalan ngayon kumpara sa dati Pag-isipan. Kakayanin niyo bang bumitaw? Kakayanin niyo bang mawala sa piling ng isa't isa dahil lamang hindi niyo matanggap ang inyong mga pagkukulang nang buong buo? Ipikit niyo ang inyong mga mata at buksan niyo ang inyong mga pusong tila nagsasarado na nang maramdaman niyo ang dating tunay na pagmamahalang naiwan sa kawalan,  ang kawalang dati’y kalawakan 
4Nakikita ng aking mga mata  at naririnig ng aking mga tainga  na kayo'y nagpupursigi pa  kahit sobrang hirap na  Nais niyo pang ibalik sa nakaraan  ang pag-ibig ninyong magkasintahan  Ngunit kayo'y natagpuan din  sa pagitan ng pagkapit at pagbitaw  hindi alam kung magtutuloy pa  o sa sakit ay maglulublob na 
5Kumapit. Kahit anumang mangyari, kailangang kumapit Ipadama niyo sa isa't isa ang natitira pang tamis sa mga puso niyong nabubulok na Kumuha ng lakas para tumuloy pa imbis na hayaang mawala na ang pag-ibig inyong dating parating hinahandog nang lubusan, ang pagmamahalan niyong magkasintahan  Mawala man ang mundo  at lahat ng taong nakapaloob dito  kailangan niyong ipadama  ang pag-ibig niyong dakila. 
6Kumapit at kumapit kahit saktan man kayo nang sobra ng mga hamon sa inyong ibigan sapagkat hanggang may nais, may pagmamahalan. 
7Ang pagkapit sa pag-ibig ay isang biyaya Ibig sabihin ay pinapahalagan ninyong dalawa ang bumuo sa inyong matamis na saya imbis sa pagmamataas sa inyong mga sarili na hindi nga kumpleto kapag wala ang sinta at ang lubos na pagmamahal na kanyang dala. Kumapit nang maligaya Ang inyong mundo ay umiikot sa mga salitang "Mahal kita."
--- end ---
0 notes
rhyanoceros-blog1 · 8 years
Text
Totoong Katapatan
1Nakapagtatakang isiping  ang mga luhang kasinglawak ng karagata’y  nasayang dahil lamang  sa mga salitang akin ka, sayo ako.  Dito nga umiikot ang bawat relasyon  ngunit, bakit selos ang nababaon?  Mula sa matamis at masayang konsepto  mga walang kwentang pakiramdam ang nabuo  dahil sa pagkasara ng busilak na pusong  umiibig sa kapwa, at di lang sinta. 
2Ang pag-ibig sa kapwa, at di lang sinta ay tila nakalimutan na sapagkat ang turing ng mga tao sa salitang katapatan ay pagmamahal nang walang hanggan at ang pagsara ng puso’t diwa sa lahat ng kabilang sa kabaligtarang kasarian sapagkat akin ka, sa’yo ako. Hindi na hinahayaang ipahayag ng mga tao ang nilalaman ng kanilang isip at puso at sa sarili nila’y magpakatotoo sapagkat akin ka, sa’yo ako. Ito nga ba ang tunay na hiling ng mga pusong mayroong kapiling? 3"Mahal kita at wala nang iba." Tila di na naiintindihan nang lubusan ng mga batang nagmamahalan ang totoong kahulugan ng naituring na kasabihan. "Kung ika'y magmahal, ang ibang babae ay wag mong kakausapin! Magseselos nang lubos ang iyong kapiling!" Talaga bang ganoon? Hindi ba ito isang limitasyong humahadlang lamang sa pakikipag-ugnayan ng tao sa kapwa? Ang tao'y hindi isla. Ang tao'y may karapatang maging bahagi ng lipunan upang mamuhay nang masaya Hindi dapat humadlang dito ang pag-ibig, gaano man kadakila. 4Ano nga ba ang tunay na katapatan? Ibig sabihin bang dapat kalimutan ang lahat ng tao maliban sa kasintahan? Ano nga ba ang kwenta ng pag-ibig kung isasara lang ang mga bibig ng mga taong nais kumibo? Ano nga ba ang kwenta ng pag-ibig kung isasara lang ang mga tainga ng mga taong nais makarinig? Kung ganoon, hindi ba totoo na ginawa mo ang iyong sintang isang prenda— isang prendang nawalan ng karapatang magtaglay ng sariling importansya? Bakit? Bakit ganito? 5Bakit ginawang limitasyon ang mahalan imbis na simula ng kaginhawaan? Ang pag-ibig ay pagpapalawak at hindi pagkakaltas ng mga emosyong matatamis kahit gaano man kabilis maramdaman ang mga ito. Ang pag-ibig ay pagtatanggap pagtatanggap ng mga kakulangan, kakulangang bahagi ng bawat tao, kakulangang di basta-basta binabago. Ang pag-ibig ay tumatayo lamang sa tiwala, kapag tiwala ay nawala ang relasyo'y manginginig at tuluyang babagsak.
6Nakapagtatakang isiping ang mga luhang kasinglawak ng karagata’y nasayang dahil lamang sa mga salitang akin ka, sayo ako.
7Hangga’t may tunay na pagtatanggap, hangga’t ang tiwala’y lumaganap, hangga’t may nais pang tumuloy, hangga’t ang karapta’y di binaboy, hangga’t may totoong respeto, hangga’t may sapat na espasyo, hangga’t may matamis na pagmamahalan, mayroong totoong katapatan.
8Itaga mo man sa bato, at ito ay pangako. Kung bubuksan ng bawat pares ang puso at isip na tila nagsasarado, magiging maligaya muli ang mundo. - end - 
0 notes