Tumgik
hermoonstudent-blog · 7 years
Text
Patungkol sa Pinangakong Pagbabago
Tumblr media
          May nasasabing matalino ngunit matalinhagang pinuno mula sa malayong nayon pa’y naglakbay upang maghatid ng pagbabago sa mga Pilipino. Siya’y nakilalang alkalde sa lungsod ng Davao na may matinding pagpapahalaga sa displina at kaayusan ng kaniyang pinamamahalaan? Isa na nga ba siya sa kakaunting tapat at tunay na matulunging lider sa lipunan? Siya na nga bang naiibang politiko na ang tanging hangarin ay mapabuti ang sambayanan? Siya na kaya talaga ang magdadala ng kapangyarihan, kapayapaan, at yaman na matagal nang nais makamtan ng bayan ni Juan? 
        Nang dumating ang panahon ng kampanya para sa pagkapangulo nitong 2016 lamang, ay pumasok sa eksena ng pambansang politika ang isang simple at abang mayor na nagmula pa sa Mindanao. Makikitang talagang maganda ang adhikain ng nasabing lider para sa bansa, at makikita ring nakikiisa ito sa paglalahad ng hinaing ng madla sa bulok na sistemang pinaiiral ng nagdaang mga administrasyon. Ang kaniyang mga plataporma’t planong sugpuin and droga at krimen, kahirapan, at korap na pamamalakad ay tunay nang nakaakit sa mga botante at nai-upo siya sa kaniyang kasalukuyang posisyon, Pangulo ng Republika ng Pilipinas. Talaga namang nadama agad ng mga Pilipino ang pagbabago sa pag-upo ng bagong pangulo.
        Tulad nang pinangako ay napababa ng Pangulong Duterte ang kriminalidad, sa unang 5 buwan ng kaniyang panunungkulan nito ay bumaba ng 31% ang index crime volume, ayon sa PNP DIDM. Nakakamangha at nakakatuwa, hindi ba? Ngunit dapat mo ring malaman namang tumaas ang murder cases ng 51% noong limang buwan na ring iyon. Ito ay hindi magandang indikasyon ng pamamaraan ng pagdidisiplina ng bagong administrasyon, na tila pinawawalang-halaga lamang ang buhay ng mga tao sa pagkakataong nahusgahan ito na may kinalaman sa droga. Hindi lahat ay nabibigyan ng kaukulang pagpoproseso ng kanilang mga kaso at paglilitis sa korte. Nang dahil sa talamak na kaso ng Extrajudcial Killings o EJKs, ay nagging kuwestiyonable ang posisyon ng administrasyon sa pagpapahalaga sa karapatang pantao ng pinamamahalaan nito. Pag-usapan naman natin ang mga pangakong ipapasabatas ng presidente sa kaniyang termino. Sa dami ng pinangakong batas ng Pangulo ay dalawa pa lamang ang nakikita nating naipatupad nito, ang Freedom of Information Order (FOI) at ang Nationwide Smoking Ban o EO26. Nangakong unang lingo pa lamang ng pagkakaupo niya ay susugpuin na ang contractulization, ngunit halos magdadalawang taon na ay umaasa pa rin ang mga manggagawang Pilipino. Inamin ng DOLE na hindi sila nagging matagumpay sa pagpapatupad ng EndO sa mga malalaking kompanya. Ang SM, Robinsons, Cebu Pacific, at Philippine Airlines, kasama na ang San Miguel ay nagpapatupad parin ng kontrata. Nangako rin ang pangulo na isasabatas ang karapatan ng LGBTQ+ Community na magpakasal, ngunit biglang binawi ito pagtapos manalo dahil umano sa pagiging Katoliko ng bansang ito.
           Tila nalimutan na ni Pangulong Duterte ang kaniyang mga ipinangako sa sambayanang Pilipino. Ang mga pangako niyang pinaniwalaan ng madla at naging rason ng kaniyang pagkapanalo. Hinihiling lamang namin sa kaniya na panindigan niya ang mga plataporma niyang lulutas sa matinding pangangailangan ng pinapamahalaan niya. ‘Wag niya sanang sayangin ang pagtitiwala sa kaniya ng mahigit 100 milyong Pilipino at wag niyang sayangin ang panahon na mayroon siya upang maiahon niya ang bansang Pilipinas sa pagkakalugmok nito. Patunayan niyang sa mga korap at makasariling politiko’y naiiba siya. Ito lamang ang nais naming ipabatid sa kaniya na hindi pa huli ang lahat para maitama niya lahat ng mali sa ating bansa. #PaninindiganSaPangako #PaninindiganSaPagbabago  
Kristine Cabria, Miguel Alvarez at Nikholai Macapaz - 10 MT
@talinghagangbuhay
0 notes