Tumgik
Text
Literaturang Patuloy na Lumalaban sa Giyera
Bilang isang medyo mahilig magbasa at magsulat, ang kadalasang tema ng aking mga binabasa't sinusulat ay patungkol sa pantasya at romansya. Malamang, ito talaga ang papatok sa akin bilang isang dalaga. Bata pa ang aking pag-iisip, kaya gayundin ang aking mga babasahin at susulatin. Ngayong kolehiyala na ako, nalaman ko na hindi lamang pantasya at romansya ang mga literaturang nabubuhay sa mundo.
Isang giyera ang mundo ng literatura. Maraming namamatay at kinakalimutan. Iba lang ang pinapalad na makita ang sinag ng araw sa kinabukasan. Ang madalas na nananalo ay iyong nagdidistract sa tao mula sa totoo nilang estado sa buhay, iyon ang kumikita ng pera. Samantalang naliligo naman sa dugo ang mga literaturang inihahayag ang katotohanan, at minsa'y ninanakawan pa. Ito ang literatura ng uring anakpawis.
Takot ang mga tao sa katotohanan, hindi nila kayang harapin ito. Ngunit may mga tao namang matatapang na kayang aminin sa sarili na nandito sila. Ito ang buhay nila. At ang mga taong iyon ang nagsisilbing kaibigan at pamilya ng isa't isa. Nagkakampihan sila. Nag-aabot sila ng suporta sa madaming paraan, isa na rito ang pagsusulat tungkol sa kanilang sitwasyon. Dahil isa itong pahayag na ang kapwa nila anakpawis ay hindi nag-iisa, na may karamay sila. Ito ang sa tingin kong nais ipahayag ni Nadine Gordimer na "Ang sining ay nasa panig ng mga binubusabos."
Ngunit sa tingin ko ay may mas higit pang rason kung bakit isinusulat ng mga anakpawis ang kani-kanilang mga buhay. Sa tingin ko ay nagsusulat sila para lumaban. Lumaban sa kawalan ng hustisya, sa kawalan ng pag-asa. Lumaban sa mga nang-aapi sa kanila. Ang kanilang pagsusulat ay nagsisilbing pahayag sa kalaban na "Kaya namin kayong patumbahin." At nagsisilbi namang pambukas ng mga matang nakapikit at natutlog. Ito ay nagsisilbing sigaw ng mga anakpawis para magising ang mga walang alam at walang pakialam.
At para sa akin, ang layunin ng literaturang ito ang nakamit na nila. Namulat nga nila ang isang estudyanteng walang kamuang muang sa mga ganitong bagay, na puro pantasya at romansya lang ang nasa isip. Namulat nila ako. At alam kong marami pa silang mamumulat.
0 notes
Text
Ang Patriarkal na Pilipino
Sa aming subject na Readings in Philippine History, nalaman ko na ang mga babaeng Pilipino noong unang panahon ay napakaimportante. Sila ay pinangangalagaan at nirerespeto. Ito nga daw ang dahilan kung bakit ang mga mura ng Pilipino ay kadalasang patungkol sa "ina". Dahil para sa mga Pilipino ay malaking insulto ang murahin ang kababaihan sa kanyang pamilya.
Kaya naman nakapagtataka talaga kung bakit nauwi ang mga Pilipino sa pambabastos at pagmamaliit sa mga babae kung gayon na lamang kahalaga ang kababaihan para sa mga Pilipino noong unang panahon.
Noong narating ng mga kastila ang lupain natin, ginamit nila ang kanilang kultura upang sakupin at makuha ang loob ng mga Pilipino. Sa tingin ko, dahil dito, nagaya natin ang kanilang patriarkal na pamumuhay. Hindi likas sa atin ito, sadyang itinulak lang ito sa ating mga isipan.
Sinakop nila tayo para madagdagan ang kanilang kapangyarihan. Kaya natutuhan ko sa sanaysay na ang patriarkal na pag-iisip ay isang istratehiyang gahum ng mga mananakop. Sa pamamagitan ng patriarka, nalaman ng mga lalaki na dapat makapangyarihan sila sa kahit ano o sino man. At dapat tanggapin ito ng mga babae. Nag-udyok ito sa mga lalaking Pilipino na kumampi sa mga Kastila dahil sa mga ito nila makukuha ang kapangyarihang inaasam. At nagpatuloy ito sa mahabang panahon.
Kung tutuusin, hanggang ngayon, itinutulak pa rin ng mass media sa atin ang patriarkal na pag-iisip, sadya man o hindi sadya. Ngayon naman madalas ay hindi para sa kapangyarihan, kung hindi ay para sa pera.
Nananatili pa ring isang istratehiyang gahum ang patriarkal na pag-iisip. Kaya naman nananatili pa rin ang kabastuhan ng mga Pilipino.
0 notes
Text
Pakikipagtalastasan sa Internet
Nalaman ko sa subject namin na Purposive Communication na ang Pilipinas ang may pinakamahabang oras na binibigay sa paggamit ng social media. Halos limang oras daw ang ating nakokonsumo sa Facebook, Twitter, Instagram at iba pang talamak na mga social media sites. Sa tingin ko, naaayon nang sabihin na nakadepende na talaga sa social media ang karamihang Pilipino.
Sa Facebook, marami kang makikitang viral stories na nagbibigay inspirasyon o babala. Mga balita na nakakaantig ng puso o nakakabahala sa publiko ay nagkalat dito. Sa twitter naman madalas tumambay ang mga millenials dahil dito sila nagrarant o naglalabas ng kanikanilang saloobin, mabuti man o masama. Dito sila nagdadrama at nagrereklamo sa mga pangyayari sa kanilang buhay. Ngayon naman sa Instagram punong puno ng mga litrato ng mga ulap, ng araw, bulubundukin at iba pang magagandang tanawin. Nandito rin ang mga litrato ng nakakabusog-sa-matang pagkain, litrato kasama ang mga kaibigan na nagkakasiyahan. Pinapakita dito na "maganda" ang buhay nila.
Marami talagang gamit ang social media. Kung tutuusin, kung magamit ng maayos ay lubos itong nakakatulong sa ating mga buhay . Ngunit para sa akin (at naniniwala akong alam niyo rin ito), hindi lahat ay marunong gumamit ng social media ng tama. Sa gayon ay  hindi lahat ng bagay sa social media ay hindi totoo, may bahid ng kasinungalingan, hindi kumpleto, at walang konteksto o sadyang opinyon lamang ng iba na minsan ay hindi pa maayos.
Kaya noong una, hindi ko labis na maunawaan kung bakit panay na lang ang gamit natin sa social media. Anong napapala natin dito? Nakakaistorbo lang ito sa pagiging produktibo natin. Ngunit napagtanto ko na ang isang maganda rason ay para nga maistorbo sila, madistract sila sa kahirapan ng buhay, at para hindi nila maisip ang mga problema. Nagsisilbing entertainment nila ito.
Mas maganda talaga ang makipagtalastasan at kuwentuhan sa personal. Sabi nga sa sinulat ni Lumbera, kapag lalo mong hindi pinansin ang isang tao, lalo iyang magiging mas papansin. Ngunit nang sumibol ang pagkauso ng internet, nalibang ang mga tao sa ideya ng pakikipagchat sa digital world, kahit ang kausap nila ay kayang kaya nilang lapitan. Dahil dito, halos nawalan ng ang mga tao ng mga pumapansin sa kanila sa personal. Kaya ang tendency ng tao ay magpost o magblog sa mga social media sites kung saan nakakakuha siya ng likes na sumisimbolo sa approval. Kaya naman mas lalong napapadalas ang pagbablog sa social media kaysa makipag-interact sa totoong buhay. At malamang sa malamang ay nakikita naman natin ang epekto nito sa lipunan, at hindi ito maganda.
0 notes
Text
Wika = Kapangyarihan
Nalungkot talaga ako noong nakita ko ang balita tungkol sa isang nakakulong na pinanood ang pangatlong SONA ng pangulo ngayon ngayon lang. Ang sabi niya kasi hindi niya raw naintindihan ang pinagsasabi ng pangulo dahil gumamit ito ng wikang Ingles.
Gusto ko sanang sabihin sa pangulo na "Sinasabi mo na ikaw ay para sa bayan, ngunit hindi mo naman sila kinakausap ng maayos." Sa tingin ko, sa paningin ng pangulo ay lahat tayo ay kayang magsalita at umintindi ng Ingles, at isa itong napakabaliktad na pananaw.
Bakit mo aasahang marunong mag-ingles ang taumbayan eh mga Pilipino nga sila? Filipino ang kanilang wika, hindi Ingles. Pangulo, hindi ka naman presidente ng Amerika. Nakakalimutan mo yata na presidente ka ng Pilipinas.
Ngunit naisip ko rin, paano kung sadya itong ginawa ng pangulo, na magsalita sa Ingles upang hindi ito maintindihan ng karamihang mga Pilipino? Para hindi nila malaman kung ano talaga ang nangyayari sa Pilipinas? Para hindi sila mabahala? Nakakaiyak. Sobrang nakakaiyak.
Nagmimistulang mga bobo ang mga kapwa ko Pilipino. Dahil lamang nalilinlang sila ng ating presidente. Nananatili silang mga api sa kanilang akalang kailangan marunong kang mag-Ingles para makaintindi at masabing may alam ka.
Grabe talaga ang kapangyarihan ng wika. Ito ay nagiging instrumento na ng hegemony para palutangin at palawakin ang hindi naman dapat. Nakakaiyak ang ganitong sistema. Walang hustisya.
0 notes
Text
Pagiging Asal-Mayaman
Naalala ko pa ang mga salitang sinabi sa amin ng isang propesor. Ang problema daw kasi ng isang taong kapitalista ay nagtatrabaho sila para kumita, hindi para mabuhay.
May bahay ka. Nakakakain ka ng kanin ng tatlong beses sa isang araw. Nakakaligo ka. May mga damit ka. Nakapag-aaral ka. Sapat lang. Simple lang. Pero hindi ka pa rin masaya. Ang tipikal na Pilipino kasi iniisip na mahirap pa rin sila sa ganitong kalagayan. Kaya masipag ang Pilipino, kaya nagsisikap sila. Para makaahon sa "kahirapan" o pagiging may kaya lang.
Sabi sa akin ng nanay ko edukasyon lang daw ang natatanging maibibigay niya sa akin na hindi mawawala o mauubos. Kaya pagbutihin ko daw ang pag-aaral ko para daw paglaki ko ay mabili ko ang mga gusto ko. Encouraging words para sa akin ang mga salitang iyon noong bata pa ako. Isa iyon sa mga dahilan ko kung bakit sa dinami rami ng projects at performance tasks ay hindi pa rin ako sumusukong mag-aral. Pero mas pinili ko pa rin ang puso ko.
Humanities and Social Sciences ang napili kong strand para sa Senior High noon. At noong sinabi ko sa nanay ko na ito ang napili ko, sabi niya ayos lang, okay lang. Pero pag-isipan ko daw. At kung may oras pa, mas okay daw nag mag-STEM na inclined sa Architecture (isa rin sa mga pinagpipilian ko) dahil may pera doon. 
Halata ko sa nanay ko na medyo disappointed siya na pinili ko ang HUMSS. Pero disappointed din ako sa kanya dahil isa din pala siya sa mga nag-iisip na nagtatrabaho ang isang tao parang kumita at hindi para mabuhay. May bahay naman kami. Nakakakain. Nakakaligo. Nabubuhay kami ng maayos. Ngunit ganoon pa rin ang isip niya. Nakakalungkot.
Kaya marahil ay isang Pedrong Maralita din ang aking ina, at napapasa rin sa akin ng pag-iisip na ito ng hindi ko napapansin. 
Gusto nating makaangat sa buhay pero hindi naman namin kailangan pang umangat dahil nakakahinga pa rin nman tayo. Gusto nating makiisa sa mga nasa tuktok. Ngunit mawawalan na ng balanse ang lipunan kapag iyon ay nangyari.
Tama lang ang simple. Tama lang ang sapat. Sana ay matutunan nating tanggapin iyon.
0 notes
Text
Edukasyong Kolonyal
Kung tatanungin mo ako kung ano ang mas pipiliin ko, ang wikang Ingles ba o Filipino, ay walang paligoy-ligoy na ika'y sasagutin ko ng "Of course, English."
Lumaki ako na puro pelikula at librong nasa wikang Ingles ang nakapaligid sa akin. Naaalala ko pa ang paborito kong koleksyon ng mga libro sa aking kabataan: ang mga libro ni Geronimo Stilton, isang daga na nagpapatakbo ng isang dyaryo sa siyudad ng New Mouse. Tuwang tuwa ako noon tuwing madadatnan ko ang nanay kong galing sa trabaho na may hawak na panibagong libro ni Geronimo Stilton para sa akin. At ang nanay ko naman ay tuwang tuwa sa pagkahilig kong magbasa, partikular na sa mga librong nasa wikang Ingles.
Mahilig din manood ng mga pelikula ang aking mga magulang. Mapa-action man yan or romance, hindi nila iyan palalampasin. Madalas silang nanonood ng mga pelikulang gawa sa Hollywood, sa ibang salita, mga pelikulang nasa wikang Ingles. Hindi naman pupwedeng hindi nila ako kasamang manood ng mg pelikulang ito. Ito na ang nagsisilbing bonding time naming pamilya.
Sa tingin ko, ito ang naging rason kung bakit mas pipiliin ko talaga ang wikang Ingles kaysa Filipino. Dahil dito, naging bihasa ako sa pagsusulat, pagbabasa, at pagsasalita sa wikang Ingles. At kung ako ang tatanungin, mas pormal tignan ang wikang ito, nasa paaralan ka man o opisina. At masasabi kong ganito rin ang tingin ng maraming Pilipino sa wikang Ingles.
Hindi rin naman natin sila masisi. Dito sila namulat. Ito ang nakagisnan nila. Kontrolado ng mga Amerikano ang ating edukasyon, mahirap mang tanggapin. Sila ang nagsulat ng ating mga kuriulum, ng ating mga libro. Sila ang nagturo sa mga guro natin sa eskwelahan. Mapapansin mo na halo lahat ng librong ginagamit sa paaralan ay nasa wikang Ingles. Dahil sa kanila iyon. At dapat na nating baguhin iyon ngayon.
Buti na lang at nalaman ko na ang masyadong pagtangkilik sa wikang Ingles at sa mga bagay na tatak Amerikano ay lubos na nakakasama sa ating bayan. Muli, nabuksan ang aking mga mata. Kaya ngayon ako ay tumutulong na ilathala ang katotohanan, kahit sa simpleng pagsulat lamang. Kasi dapat lang naman talagang mabuksan natin ang kanilang mga mata nang mamulat sila sa totoong sitwasyon ng kanilang bansa at kung gaanong mas dapat nating tangkilikin ang gawang Pilipino.
Dahil sa sobrang pagtangkilik natin sa mga Amerikano, nalilimutan na natin ang sariling bayan, sariling kultura, sariling atin. Mas ninanais pa natin maging tulad nila, at minsan pa nga'y ikinakahiya nating ang pagiging Pilipino. Nakakalungkot lang.
Kaya ikaw, hinihikayat kitang mahalin ang sariling atin. Katulad na lamang ng mga pelikulang gawang Pinoy, o kaya naman ay mga Pinoy na kanta at libro. Mahalin mo sila, kahit hindi sila kamahal-mahal paminsan-minsan. Gawang Pilipino pa rin iyan.
0 notes
Text
Misedukasyon
Bobo ba ako?
Yan ang tanong na tumatakbo sa isip ko ngayon. Alam ko kasi na madami pa akong dapat matutunan tungkol sa mundo. At sa tuwing makakakita ako ng post sa social media tungkol sa mga kung anu-ano na hindi ko naman maintindihan, napapaisip na lang ako na "bobo ba ako?"
Pinangarap ko talagang mag-aral sa mga eskwelahan na kasama sa Big Four. Iyon ang University of the Philippines, Ateneo de Manila University, De La Salle University, at University of Sto. Tomas. Pakiramdam ko kasi kapag nagkaroon ako ng pagkakataon na makapag-aral sa isa sa mga ito, tatalino na ako. Ngunit hindi ako pinalad. Hindi sapat ang aming yaman para matustusan ng mga magulang ko ang pag-aaral sa La Salle, Ateneo, o UST. Kaya hindi na ako umasa sa mga paaralang ito. Sa UP naman, hindi rin ako pinalad. Hindi ako nakapasa.
Noong araw ng resulta ng UPCAT, noong oras na nalaman kong hindi ako nakapasa, tila wala lang sa akin. Hindi na ko nagtaka. Ito naman ang laging tumatakbo sa isip ko simula noong namulat ako. Napagtanto ko na sa oras na iyon ang sagot sa aking kaisa-isang katanungan, "Oo nga, bobo nga ako."
Nakakainis lang na ngayong nag-aaral na ako sa PUP, nalaman ko na totoo na bobo ako. Bobo ako na isipin na nababase sa pinasukan mong eskwelahan ang talino. Sapagkat nalaman ko na ang tatlo sa mga paaralang nabanggit ko kanina ay para lamang sa mga elitista at may kaya. Ang edukasyon nila ay para lang sa mga mayaman. Malamang at dapat lang na maganda ang binibigay nilang edukasyon. Iyon naman talaga ang kailangan nila para manatiling mayaman. At muli, namulat ako sa kalagayan ng Pilipinas. Alam ko na, dati pa, na isa sa mga mahihirap na bansa ang Pilipinas. Hindi ko ito masyadong pinapansin dahil hindi naman kami biktima ng kahirapan na ito. Ngunit ngayon iniisip ko, paano naman ang mga kapus-palad na nangangarap na makaahon sa buhay? Hindi ba nila karapatang magkaroon ng magandang edukasyon?
Noong una ay confident pa ko na makakapasa ako sa PUPCET. Sabi ko sa sarili ko, "PUP lang naman yan eh. Anong mawawala?" Oo, inaamin ko na isa ako sa mga nagmamaliit sa PUP dati. Pero ngayon nagpapasalamat ako sa Diyos na dito niya ako inilagay sapagkat hindi lamang kalidad na edukasyon ang binibigay ng PUP, kundi ang pagiging makabayan at tapang para labanan ang mga humahadlang sa mga karapatan ko at kapwa ko Pilipino.
Ngayon alam ko na na dahil lang hindi ka nakapag-aral sa isa sa Big Four ay bobo ka na agad. Sa totoo lang, nakadepende iyon sa tao, kung paano siya magsumikap at magsipag para maging matalino at, sa pagdating ng panahon, makamit ang kanyang mga pangarap. Kung paano niya gagamitin ang kanyang edukasyon, hindi lamang para makaahon sa buhay, ngunit para din sa ikabubuti ng ating bansa.
2 notes · View notes