Tumgik
#malikhang pagsusulat
violywrites · 4 years
Text
Ang Kwentong Hindi Ko Alam Kung Paano Nagtapos
Ang hirap simulan ng kwentong hindi ko alam kung paano natapos. Ang hirap isulat ng mga bahaging puro saya dahil alam kong magtatapos sa malungkot. Ang hirap alalahanin ang mga pangyayaring ni hindi ko man lang alam kung totoo. Ang hirap, dahil sa bawat letrang isinusulat, paulit-ulit na bumabalik ang mga ala-alang ako nalang ang nakakaalam. 
Bakit? Anong nangyari? Gusto kong magtanong, gusto kong malinawan. Gusto kong malaman ang dahilan sa paglisan mong ni hindi ko man lang naramdaman. Gusto kong yakapin ka para pigilan. Gusto kong ikulong ka sa mga bisig ko, tingnan ang mga mata ko habang sinasabi mong “mahal kita”. Pero hindi, umalis ka. 
Umalis ka nang wala ka man lang iniwang bakas. Umalis ka ng wala ka man lang ingay na ginawa. Umalis habang patuloy mo akong pinapaasang sabay nating papanooring tumanda ang isa’t-isa. Masaya tayo eh. Diba? Masaya ka. Kita ko yun sa mga mata mo. Kita ko yung tuwa sa mga mata mo habang nakatitig ka sa mukha ko. Kita ko ang tuwa sa mga mata mo habang hawak mo ang kamay ko. Kitang-kita ko. Masaya ka. Masaya ka pa nga ba? 
Bakit hindi ko nakita nung nagsasawa ka na? Bakit hindi ko nakita nung unti-unti na palang nawawala ang tuwa sa mga mata mo sa tuwing nakatingin ka sa mukha ko? Sa tuwing hawak mo ang mga kamay ko? Bakit hindi ko man lang nakita na unti-unti, unti-unting lumuluwag ang mahigpit na hawak mo sa mga kamay ko?
Kaya ba sa istorya nating dalawa, ikaw lang ang nagtapos? Ang alam ko, dalawa tayong nagsusulat sa librong sabay nating binuo. Pero habang patuloy pala akong bumabalik sa mga pahinang puro saya ang nakasulat, doon mo na pala sinumulang umpisahan ang wakas. Kaya pala ako nahihirapang umpisahan ang kwentong to, dahil alam kong kahit anong bago ang gawin ko sa mga pahina nito, hinding-hindi ko na mababago ang pagtatapos na ginawa mo. Na tapos na tayo. Na tinapos mo na tayo. 
1 note · View note
shangiee · 3 years
Text
Malikhaing Akda, kumusta ka?
 "Ang kamalayang Feminismo sa Panitikang Filipino" ni nanaybunso at ang "ROL's sad few notes" ni Rogelio R. Ordonez ay ang mga halimbawa ng akdang tumatalakay sa kalahalagahan at kamalayan sa malikhaing pagsulat sa iba't ibang larangan. Sa likod ng mga aklat na ating binabasa, ang bawat nilalaman nito ay may tinatagong mensahe at nais iparating sa madla. May mga usapin na kahit gaano na katagal ay binabalewala parin ngunit patuloy paring ipagsisigawan ang nais ipahayag at ipairal sa bawat tao.
Sa paglipas ng panahon ay paulit-ulit na pinagsisigawan ng mga tao ang pantay na karapatan at pribilehiyo ng kababaihan at kalalakihan. Maibsan na ang patriyarkal na lipunan, mulatin ang kamalayan ng bawat isa na ang babae ay dapat ginagalang at hindi minamaliit ng kalalakihan. Ang kuwento na “Ang himas ni Ricardo” ni Babeth Lolarga ay tumatalakay sa kamalayang Feminismo. Ito ay may pagkabulgar at pagkamalaswa ngunit kakikintalan naman ng mensahe na nais ipahayag ng manunulat. Kuwento ito ni Lara Sumulong at nagsimula ang kuwento sa pakikipagtalik ni Lara kay Ricardo. Ani nito, sinasamantala ng dating asawa na si Joey ang kahinaan nito bilang isang babae. Sa kabilang banda, nang makilala niya si Ricardo nakaramdam siya ng importansya na salungat sa dati niyang asawa. Ipinaramdam ni Ricardo na hindi lamang pakikipagtalik ang hanap ng isang lalaki sa babae subalit ang kasiyahan ng kababaihan ang kanilang hiling. Sa akdang ito, hindi puro seks ang pokus, nais ding ipahiwatig ang kahalagahan ng kababaihan sa pamamagitan sa lipunan. Si Lara ay isang halimbawa ng matatag at matapang na babae dahil kinaya niyang iwan ang asawa dulot ng pang-aabuso nito sa kaniya. Ipinapahiwatig na dapat lahat ng babae ay huwag magpapa-abuso at labanan ang ganitong sistema ng lipunan. Masining at malaya ang estratehiya na ginawa ng manunulat sa kuwentong ito--may malalim na mensahe na nais iparating sa bawat tao tungkol sa Feminismo.
 Sa akdang isinulat ni Rogelio R. Ordonez na pinamagatang "ROL's sad few notes" tinatalakay ang realidad ng lipunan na kung saan ang mga malikhaing manunulat ay nawawalan ng kalayaan na isulat ang mga aklat na tumatalakay sa kanilang kagustuhan at hindi nililimitahan ng kung sino man. Sa panahon ngayon, puno ng panlalait, pambabalewala at masasakit na salita ang natatamo ng mga manunulat sa mismong mambabasa nito. Nawawalan na ng esensya ang malayang pagsusulat ng mga bihasang teksto. Ang iba namang manunulat ay nasisilaw na sa pera at hindi na iniisip ang kalidad ng nililikhang akda. Ito ang reyalidad sa ngayon at patuloy pa ring nangyayari sa kasalukuyan.
 Ang katotohanan sa kasalukuyan pagdating sa usaping malikhaing pagsusulat at mga manunulat ng panitikan ay nakakalungkot. Kadalasan ay hindi na pinagyayabong ang mga ito at napapalitan na lamang ng kung anong uso at walang katuturan. Parehong layunin ng akda na maghayag habang nagmumulat ng mga mata sa dalawang magkaibang paksa ngunit may iisang pahiwatig. Kung ikikintal sa isip, mas malaki ang kamalayan na makukuha sa dalawang perspektibo. Nais iparating ng isang akda ang kahalagahan at reyalidad ng lipunan pagdating sa usaping pagsusulat at ang isa naman ay isang halimbawa ng kamalayan na tumatakay sa katotohanan ng lipunan  na isang halimbawa ng malikhang pagsusulat.
2 notes · View notes