Tumgik
#eksistensyalis
panaghoy · 5 months
Text
Mahal,
Ang totoo, sa tuwing sumasapit ang araw na ito, isang bagay lamang ang sa aking isipan ay palagiang tumatakbo—iyon ay ang aking pasasalamat para sa buhay mo.
Ikaw ang nagdudulot sa akin ng hindi mapapantayang kapayapaan at ligaya. Sa tuwing tayo ay magkasama, tila nawawala ang lahat ng alalahanin at pag-aalala. Dahil dito, salamat. Ang iyong walang sawang pagmamahal at pag-aalaga ay ang siyang aking pahinga. Ganoon din sana ang sa iyo ay aking naipadarama.
Hindi sapat ang mga salita upang maipaliwanag kung gaano ko ipinagpapasalamat ang iyong buhay. Tila ba kaya kong harapin ang ano mang pagsubok dahil nalalaman kong nandyan ka upang sa akin ay rumamay.
Nais kong ipaabot sa'yo ang aking dasal na sana'y patuloy kang maging masaya, mahal. Pag-asa ko na ang iyong buhay ay mapuno ng mga biyayang nagbibigay sa iyong puso ng labis na kaligayahan.
Isa pang bagay na aking idinarasal para sa iyo ay ang iyong patuloy na pananagumpay. Pakatandaan mong lagi akong nakasuporta sa pag-abot mo sa lahat ng iyong mga pangarap at mithiin sa buhay.
Mahal kita nang lubos at wala nang hihigit pang kagalakan para sa akin kundi ang makita kang maligaya at nananagumpay.
Maligayang Kaarawan!
36 notes · View notes
panaghoy · 1 year
Text
Mahalaga para sa atin ang petsa na ito. Sa araw na ito, limang taon na ang nakalilipas, pareho nating ipinagdiwang ang karangalang natamo mula sa katagumpayan ng ating pagsisikap sa kolehiyo.
Sa iisang bulwagan, magkahiwalay na humihiyaw ang ating mga puso sa labis na kagalakan. Nasa iisang lugar, ngunit may kanya-kanyang mundo kung saan ang isa't isa ay hindi kabilang. Wala parehong kamalay-malay na ang araw ding ito ang mitsa na maghuhudyat ng mabubuo nating pagmamahalan.
Kung iisipin, sadya nga pala talagang mapaglaro ang kapalaran. Biruin mo, sa ating apat na taon sa kolehiyo kung saan ay nagkaroon ng ilang pagkakataon kung saan tayo ay nagkatagpo, tila ba sadyang iniwasan ni kupido na panain ang ating mga puso. At kung kailan tayo na ay nakapagtapos, doon lamang niya ginawa ang kanyang trabaho. Sa itinakdang panahon ng kapalaran, ang atin ding mga puso ay tuluyang nagkatagpo.
Kaya't kahit bigyan ng pagkakataon, hinding-hindi ko nanaisin na baguhin ang ating kwento. Ang iyong muntik nang hindi pagtanggap ng karangalan, ang pagpuwesto sa atin sa parehong hilera ng mga upuan, ang ating kaswal na pagbati sa tagumpay ng bawat isa, ang iyong pag-aakala na ikaw ay tinatawag ng ating propesor subalit ako pala--lahat iyon, sa aking palagay, ay ang mga daang inilatag upang ating matagpuan ang isa't isa.
At ngayon, limang taon na nga ang lumipas. Marami na tayong nabuong kwento na magkasama, at maraming bubuuin pa. Ngunit saan man tayo pagparin pa ng kapalaran, sana ay lagi mong tandaan na ikaw sa akin ay mahalaga. At sa bawat tagumpay, kabiguan, o kahit maging sa mga araw na tila hindi natin nalalaman kung saan papunta, lagi mong tandaan na ikinararangal at tinatangi kita.
ᜋᜑᜎ᜔ ᜃᜒᜆ
.
11 notes · View notes
panaghoy · 3 years
Text
Mahal kita. Sa bawat araw. Maging sa bawat segundo, minuto at oras. Kahit wala ang likhang pagdiriwang ng mundo para sa pagmamahalan.
Lagi mong tatandaan na lagi kitang nakikita--ang iyong walang-kupas na pagmamahal, walang-patid na paglalaan ng oras, at walang-sawang pagsuporta. Ipinagpapasalamat ko sa bawat araw na naririyan ka at nagsisilbi kong sandigan lalo na ngayong nahihirapan akong makahanap ng lakas para tumayo sa sarili kong mga paa.
Hindi man tayo magkalapit, ramdam ko lagi ang iyong kalinga. Nawa ay ganoon din ang aking naipapakita. Dahil nalalaman mong sa akin ay labis kang mahalaga.
Mahal kita. Sa habang buhay.
15 notes · View notes
panaghoy · 4 years
Text
Naaalala ko ang mga araw na malaya nating natatahak ang mga lugar na ating kinaroroonan kahit hindi tayo sigurado sa nais nating patunguhan. Paglalakad ang isa sa mga bagay kung saan ikaw at ako ay nagkakasundo, kasabay ng mga hindi natin matapos-tapos, at madalas, ay nauulit nang mga kwento. Hindi natin alintana ang paligid, gaano man ito kaingay o kagulo.
Hindi gaya ng sa mga pelikula at kwentong pantasya, hindi humihinto para sa atin ang mundo. Hindi nagiging mas makulay ang mga bulaklak at halaman, at hindi masayang nakikipagdiwang sa atin ang nakakasalubong na mga tao. Ngunit hindi man umiikot para sa atin ang daigdig na ito, hindi niya maikakatwa kailanman ang nag-uumalab na pag-ibig na mayroon tayo.
Dahil kung mayroon mang mahikang taglay ang pag-iibigan nating dalawa, iyon marahil ay ang kapayapaan at kapahingahan na hatid natin sa isa't isa. Pinapanatag nito ang kalooban at pinapawi nito ang mga pangamba.
Kaya't kung mayroon man pinakadahilan kung bakit ako sa iyo ay labis na nangungulila, iyon ay dahil payapa ang mundo kapag ikaw ang aking kasama.
13 notes · View notes