Pabalik na naman ako sa sarili kong mga giyera.
At hindi na naman ako sanay humawak ng baril, walang kalaban laban akong sisipot sa gitna ng Pili drive kung saan nagtatama ang mga dyip mula kanan at kaliwa. Mag-aabang ako kung sakaling may sumunggab sa aking agila o ‘di kaya’y kalabaw habang nakasuot ako ng pula. Pupunta na naman ako ng giyera at walang muang akong darating sa Oblation park para hamunin ito ng palakasan— mas malakas ba itong ipagpugay ang kasarinlan nito bilang si Oble habang inaalay ang sarili sa bayan o mas malakas ba ang isang pusong handang ialay ang sarili para sa bayan… at sa isang dilag? Baka isuko ko na lang din ang laban sa puntong ito, alam ko namang wala nang mas hihigit pa kundi ialay ang sariling utak at puso sa ngalan ng mga tao. Malas lang, nakuha na ng isang ‘to ang puso ko bago pa man ako kontratahin ninoman na isama ito sa utak ko laman ng isang plake habang sumisigaw ng dangal at husay.
Amoy lungsod akong sumabak sa buhay mambubukid. Walang kalyo ang aking mga kamay habang nagpupulot ng mga butong pananim, hindi ako maalam lumunok ng okra dahil mukha itong uhog, at lalong hindi ko alam kung paano kumain ng atay bilang putahe maliban na lang kapag inihaw. Supla naman, mahusay parin ba ako?
Lalong ‘di ako marangal. Pasensya na. Hindi dahil masama akong tao, ngunit dahil handa akong magmukhang desperado sa ngalan ng pagsinta. At oo, hindi ako sanay magpaawa para sa units pero handa akong lumuhod sa sinomang anghel na ‘to para lamang hindi ako iwanan sa gitna ng Pili drive at ilipad ako malayo sa lohikal na mundo. Wala nga ata akong dangal. Hindi ko rin alam kung may natitira pang husay. Binago ako ng unibersidad sa paraang hindi ko na makilala ang sarili ko— nagmumukha akong walang alam sa pagpasok dito gayong nakilala ko ang sarili ko bilang matalino. Buti na lang nandiyan ka para ibalik ang ilang nawawalang piyesa.
Sisipot ako sa harap ni Mariang Banga at hihintayin kong magbago ng posisyon ang banga niya. Aakyatin ko si Pegaraw at titingnan kung talaga bang kapag hinawakan ko ang nasa baba niya, gagraduate ako sa tamang oras. Pupunta ako sa kwek kwek tower, pipinturahan kong magmuli at buburahin ang mga sulat nito sa loob kagaya ng “Puta malas” o ‘di kaya imahe ng tite gawa ng kung sinong bata man mula sa labas ang nakapasok rito. Ayon… sapat na ba ‘to para sa giyera? Pudpod na ba ang husay ko? Hindi na ba ako nararapat para rito? Sa mga panahong nagdududa ako sa “honor and excellence” lagi kong naiisip kung paano ko ginustong makapasok dito. May dangal at husay ako dati, imposibleng matanggal ito basta basta.
Akala ko rin imposible.
Imposible para kay UP.
Pero pagdating sa ‘yo,
Tangina. Sino ba ‘ko para hindi ialay ang sarili ko gaya ng sinasabi ni Oble tungkol sa pag-aalay ng sarili sa bayan nito? Ikaw ang rurok ng langit at irasyonal man pakinggan pero may mga oras na ikaw ang Diyos ko at mahalin ka ang tanging kultong hinding hindi ko tatawanan.
0 notes
“Mahiwaga… pipiliin ka sa araw-araw”
Parehas tayong fan ng Ben and Ben. Halos lahat ng gigs nila pinupuntahan natin, halos
lahat ng kanta nila alam natin pareho, pero ang pinakapaborito natin ay ang kanta
nilang “Araw-araw”
Nakakatawang isipin na limang taon na pala. Naalala ko pa kung paano tayo
nagsimula, sa kung paano tayo inasar ng ating mga kaibigan at kung paano mo ako
nginitian ng araw na iyon. Dec. 5, 2015. Mula ng araw na iyon, araw-araw na kitang
pinipili.
Sa araw-araw na magkasama tayo,ramdam ko kung gaano mo ko kamahal. Mula sa
mga pagkakataong kailanma'y hindi mo ko hinayaan mag-isa. Palagi mong
pinaparamdam sa akin na kasama kita. Naalala ko pa kung gano ka kaconscious sa
tuwing nag-aaway tayo, kahit hindi mo naman kasalanan. Palagi mong sinasabi sa akin
na kapag magaaway tayo, hindi natin kalaban ang isa’t isa bagkus ay ang problema.
Sa loob ng limang taon, ikaw ang aking naging araw-araw. Paborito nating banda
angBen & Ben kung kaya’t sabay natin palaging pinapanood ang mga konsyerto nila
mula ng maging tayo. Ang bilis pala ng panahon. Limang taon na pala agad ang
nakalipas mula ng ating pag-usapan ang ating plinaplanong kasal.
- 2015 -
“Mahal, pag naging professional event organizer na ‘ko, huwag na tayong
kumuha ng event organizer sa kasal ha? Gusto ko kasi ako mag-aayos ng lahat,
lalo na kasama ang Ben & Ben” Sabi ko sakanya sabay yakap.
“Bakit naman? Ayokong mapagod ka, mahal.” At mas lalo niyang hinigpitan ang
yakap niya.
Hinawakan niya ang kamay ko at hinalikan. Wala na akong mahihiling pa sa taong 'to.
“Sayang sa gastos eh. Alam mo naman kung gano ako ka-praktikal na tao, diba?”
“Hay nako, ikaw talaga. Halika nga dito.” Ramdam na ramdam ko kung gaano sya
kasigurado sa'kin. Limang taon na lang naman na, kami na talaga habang buhay eh.
Ipon na lang para maging stable kami parehas. Okay na okay na kami sa pamilya ko,
sa pamilya nya at sa lahat ng tao. Power couple kumbaga.
“Mahal na mahal kita. Pangako, ikaw lang. Alam mo yan. ” sabay kindat at halik sa
noo, ilong, pisngi at labi ko
2020 -
“Team, okay na ba lahat? Siguraduhin nyong maayos lahat ah? Espesyal na
event 'to. Mag-aayos na muna ko.” Ayos na rin naman na lahat dahil inorganize ko
talaga mula simbahan hanggang reception area dahil hindi ko makakalimutan ang araw
na ito.
“Yes Ma'am! Kahit hindi na kayo mag-ayos, maganda na po kayo” Pambobola ng
isa kong staff.
“Ikaw talaga, sige, see you later!” Umalis na ako sa reception at bumalik sa hotel
upang mag-ayos. Maya-maya ay pupunta na rin kami sa simbahan.
| Immaculate Concepcion Church |
“Congrats, hija!” ani ng kaniyang mommy at daddy.
“Salamat po, tito and tita!” bati ko sabay beso sa kanilang dalawa.
“Sobrang swerte talaga ng anak ko sa'yo at ikaw pa napi-” naputol ang kaniyang
sasabihin nang magsimula ng misa para sa kasal ang pari.
Napakaganda ng disenyo ng simbahang ito ngayon. Natural na itong maganda ngunit
iba talaga kapag may inspirasyon. Naalala ko pa kung paano namin plinano ang lahat.
Mula sa kulay ng mga bulaklak, kulay ng susuotin ng mga abay, kulay ng hair pins,
kulay ng gown, kulay ng kandila, disenyo ng mga tela, mga bisitang malalapit sa amin,
paring kukunin namin, at higit sa lahat, ang singsing na pangarap namin noon pa.
Nagsimula na kaming maglakad sa aisle habang kumakanta ang Ben & Ben ng ArawAraw. Hindi ko namalayang umiiyak na pala ako habang kinakanta nila ang paborito
kong mga linya sa kantang iyon.
Kay tagal ko nang nag-iisa
And'yan ka lang pala
Mahiwaga
Pipiliin ka sa araw-araw
Mahiwaga
Ang nadarama sa 'yo'y malinaw
Kakaalala ko sa mga ala-ala namin noon, hindi ko napansing matatapos na pala ang
kasal. “You may now kiss the bride.” sabi ng pari. Pumikit ako at pumalakpak.
Napakasarap talaga ng pagmamahal mula sa'yo.
Pagkatapos ng kasal ay lumapit sa akin ang mahal ko.
“Salamat! The best event organizer ka talaga!” sabay yakap sa'kin.
“Salamat din, ano ka ba! Best wishes para sainyo ng kapatid ko!” sabay beso sa
aking kapatid.
Umalis na ako ng simbahan…Kumakanta pa rin doon ang Ben & Ben ng lahat ng
paborito naming kanta. Hindi ko inakalang plinano ko lahat iyon para sa kaniya at sa
iba….Noong panahong iyon, akala ko ay tayo na talaga. Sino ba namang mag-aakala
diba? Sobrang okay natin… di ko inakalang sa wakas ay iba na pala ang nais mong
makasama. Hindi ko inakalang nung mga panahong ako ang kasama at kayakap mo,
iba na pala ang nasa isip mo.
Mahiwaga, hindi mo man ako pinili araw-araw ay baka sa susunod na habang buhay
na lang.
Hindi sigurado.
Lahat ay isang malaking kwestyon.
Habang nakatingala ay lumapit siya sa akin. "Mahiwaga ka at pinili kita araw-araw”
napangiti ako, ngunit wala ng masasakit pa sa pinakahuling linya mo bago mo ako
talikuran. “…pero dati yun! Masaya na kami ng ate mo. Salamat ha!” sabay ngiti at
tinalikuran ako. Hindi naman umuulan pero basang-basa na ako ng luha sa
kinatatayuan ko mula ng tinalikuran nya ako.
Limang taon na rin ang nakalipas pero…
Mahiwaga,
Pipiliin pa rin kita araw araw. kahit mahirap at kahit masakit araw-araw. Hindi ako
bumitaw dahil alam ko sa sarili ko, ikaw na ‘yung mamahalin ko habangbuhay. Alam
kong ikaw na 'yung pagsisilbihan ko araw araw. Na 'yung kamay mo 'yung hahawakan
ko hanggang tumanda na tayo. Pero mukhang may ibang plano ang tadhana at
kailangan kong tanggapin 'yun. Ngayon, pinapalaya na kita sa mga planong binuo natin,
'yung plano nating bumuo sana ng isang masayang pamilya. Teka, pamilya na nga pala
tayo…dahil ate ko ang inasawa mo.
Pero, mahiwaga, ikaw pa rin ang pinipili ko kahit hindi mo ako pinili. Mamahalin na lang
kita mula sa malayo. Wag ka mag alala lagi kitang ipagdadasal. Masaya akong
nahanap mo 'yung mahiwaga mo kahit di na ako.
Baka sakali, sa susunod na habang buhay, sana mapasaya kita na hindi kayang
tumbasan ninoman. Hanggang sa susunod na habangbuhay, pipiliin kita. At kung maulit
man 'to, ikaw pa rin ang pipiliin ko araw-araw.
5 notes
·
View notes